Ano ang Kalayaan para sa iyo at paano mo ipinagdiriwang ang Araw ng Kalayaan?
Naisip kong itanong ito at alamin ang kasagutan hindi lang bilang paggunita ko sa Araw ng Kalayaan kungdi upang maintindihan kung ano nga ba ang kalayaan para sa ating mga Pinoy. Sa aking pagkalap ng sagot, marami akong nalaman at ang mga sagot ay naging tanong, panalangin, pagduda, agam-agam, pagkamuhi, pagasa at panindigan.
Madalas na panagdiriwang ang Araw ng Kalayaan sa pamamagitan ng parada, mamahaling paputok, pagkalembang ng mga kampana, pagwagayway ng bandila o kaya isang programa na halos panay mga opisyales lang ng gobyerno at mayayaman ang dumadalo. Ang sinasabing kalayaan ay nakalimbag na lamang sa mga tarpaulin at talumpati ng mga pulitiko ngunit ang diwa nito ay napabayaan sa limot at ningas cogon nating mga Pinoy. Ganito lang ba natin gugunitain ang pinabuwisan ng buhay, dugo at pawis ng ating mga bayani? Ni hindi man lang ginawang holiday ni PNoy ang Lunes upang ito’y maipagbunyi ng maayos? Lip service na lang ba ang kalayaan?
Ang tema ngayong June 12, 2011, ika-113th anibersaryo ng proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas ay “Kalayaan: Paninindigan ng Bayan.” Ang tanong ko, may paninindigan nga ba?
Ayon sa Wikipedia, Ang kalayaan ang karapatan, kakayahan o abilidad, ng sariling determinayson sa pagpapahiwatig ng isang hangarin. Halos kapanalig ng konsepto ng kalayaang pulitikal ang mga konsepto ng sibil na kalayaan at karapatang pantao. Natutukoy ang karamihan sa mga demokratikong lipunan sa iba't ibang kalayaan na nakapagbibigay ng legal na proteksyon ng estado.
Sinabi ni Gat. Jose P. Rizal: "Habang ang isang tao'y pinapanatili ang wika; ipinapanatili nito ang mga marka ng kalayaan.” Kaya’t minarapat kong gamitin ang salitang kinagisnan sa pagsulat, pagsalita at kahit mapa-OL (online) at IRL (in real life) man. Tama nga naman si Pepe, hindi tayo malaya at wala tayong kasarinlan kung hindi gamitin and sariling wika at hayaan itong mawala at mamatay. Ito rin ang sambit ng aking kaibigang reporter na si Charisse Mae Victorio nung tinanong ko siya tungkol sa kalayaan. Paano tayo magiging tunay na malaya kung kahit sa Facebook man lang hindi natin magamit ang sariling wika. Bakas pa rin sa atin ang galamay ng kolonyalismo. Kahit mali-mali ang Ingles natin, TH pa rin tayo sa paggamit. Ayon din kay Charisse, ipinagdiriwang natin ang Araw ng Kalayaan sa ating munting paraan. Ito ay maaaring lingid sa ating kaalaman, ipagdiriwang natin ito sa paggawa ng anumang gusto natin sa araw na ito- ang kalayaang mamasyal, magbakasyon, magpahinga at makasama ang mga mahal sa buhay.
Ito naman ang aking mga nakalap sa Twitter gamit ang #kalayaan hashtag:
@Jonver_David: Tunay nga bang kalayaan ang mayroon tayo, mga Pilipino? Ating isapuso ang ating kalayaan. Maging tunay tayong malaya.
@Harlijk: Sana ay tunay tayong malaya sa puso, pag iisip, at pamumuhay!
@Pilipinas_Natin: Patuloy tayong makikipaglaban para sa ganap na kalayaan, ang ating secret weapon-- PAGKAKAISA.
@chadjuego: At dahil Araw ng Kalayaan ngayon, magtatagalog ako buong araw.
@SmokeyManaloto: Dahil Araw ng kalayaan, kulay ng ating bandila ang susuotin ko ngayon. Pulang tshirt, bughaw na maong, puting sapatos at dilaw na... Brip.
Sabi naman ni Sheilla Finuliar sa Facebook: “Araw ng kalayaan. Nawa'y maging malaya na rin ang mga pusong nasasaktan.” Eto naman ang kuro-kuro ni Atty. Farah Decano: “Bilang pribadong mamamayan, hindi ko na kailangan pang magkaroon ng mga seremonyas, mga paputok o magsuot ng Filipinana upang gunitain ang ating paglaya mula sa Espanya. Isa-alang-alang ko lang sa aking pang-araw araw na pamumuhay ang mga magagandang kataga ng ating Lupang Hinirang- ‘alab ng puso, sa dibdib mo'y buhay. Lupang Hinirang, duyan ka ng magiting, sa manglulupig, di ka pasisiil.’ Hindi lang ngayon mga dayuhan ang ating mga kalaban. Nandiyan ang mga sariling kababayan natin na pansariling interest lamang ang nasa isip sa pamamagitan ng hindi pagtupad sa batas, at panlalamang sa kapuwa.”
Hindi na tayo alipin ng mga Kastila, Kano o Hapon. ngunit may mga iba’t ibang kalaban pa rin na umuusig at sumasakop sa atin ngayon. Nandiyan pa rin ang utak kolonyal, mapanlupig na oligarkiya, katamaran, katiwalian sa pamahalaan, mapagbalat-kayo at huwad na pamumuno, panlalamang, kasakiman, karahasan, pangungutya, kahirapan, kamangmangan at kapangkaraniwan.
Sa isang artikulo ni dating pangulong FVR, isinulat nya na sa lahat ng regalong maaaring ibigay ng isang henerasyon sa susunod na henerasyon, walang hihigit pa sa kalayaan. Ayuon sa kanya ito ay dapat palawigin ng bawat henerasyon. Ang kalayaan ay isang pamanang dapat pagyamanin at huwag abusuhin. Ito ay katungkulan ng bawat Filipino. Kung nais nating alamin ang buong kahalagaan ng Kalayaan ng Pilipinas, hindi dapat sapat na tayo’y masiyahan sa pagulit ng makasaysayang nakaraan. Hindi sapat na purihin ang ating mga bayani. Tularan natin sila at pahusayin ang kanilang mga nagawa sa ating pagmamahagi, pangangalaga, at katapangan para sa Diyos, bansa, at mga tao.
Ang kalayaan ay parang ang pawikang si Joy na pinakawalan namin sa karagatan noong isang araw. Mangamba man ako na baka masaktan ito o hulihin ng mga mangingisda at baka mas maganda na ikulong na lang sa aquarium at alagaan, mas nararapat na ito’y nasa dagat sapagkat ito ay kanyang likas na sarili at ang dagat ang tunay nyang tahanan. Ang tanging magagawa ko lang ay bantayan at panataliing malinis ang kalikasan.
Ang kalayaan ay parang pag-ibig. Ito’y puno ng sakripisyo. Ito ay pinahihirapan, nagtitiis, makatarungan, makatotohanan, puno ng kabutihan at handang ipagtanggol ng hanggang kamatayan. At ang kaligayahang dulot ay walang hanganan.
Ang kalayaan ay ang ating pagiging Pilipino. Ito ay likas nating katangian. Nagkakaisa, nagsusumikap, mapangalaga, matapang, maprinsipyo, maasahan, magiliw, magaling, masaya at malaya.
Ang tanong ay hindi kung tunay na malaya nga tayo o kung kelan talaga ang Araw ng Kalayaan o kung paano natin ito ipinagdiriwang.
Ang tanong ay kung kaya nating ipagpatuloy nating pinagtatanggol at ipaglaban ang kasarinlan.
Ang tanong ay kung kaya nating isabuhay at panindigan ang nakasulat at nakasaad sa bawat titik at salita ng kantang sa Lupang Hinirang:
Lupa ng araw ng luwalhati't pagsinta,
Buhay ay langit sa piling mo,
Aming ligaya na pag may mang-aapi,
Ang mamatay ng dahil sa iyo.