Pages

Monday, February 14, 2011

A love letter from me to Love on Valentine's Day

It's Valentine's Day and I decided to write a letter to Love. Love who drives us crrrazy and who makes us do a lot of things. It is the same Love who U2 sang In the name of, Michael Buble won a 2011 Grammy for and Madonna went Crazy for. It is the same love that launched a thousand wars and made a million peace, moved in mysterious ways, kept us alive, broke our hearts, healed and mended it, fall for once and all over again.   

Read on and Happy Valentine's Day everyone!

Dear Love,
Una sa lahat pasensya na kung naistorbo kita. Alam ko busy ka ngayon kasi Valentine’s Day. Big day mo na naman tulad nung Christmas. Naalala ko yung laging mong sinasabi; “every day is a day of love.” Mahirap kaya kung araw araw na kinikilig at baka atakihin yung tao sa puso. Magkakahawig kasi kayong mga L siblings (Lust, Like, at Limerence) kaya madalas kayong napagpapalit ng mga pipol. Akala nila lahat kayo ay love. Pero hindi yan yung dahilan kung bakit ako sumulat. Hindi sentisabado ngayon o di kaya’y nagpapaka-Emo lang ako. Valentine’s kaya medyo nostalgic ako at naaalala ko yung mga “things I did for love.”
chili_hot_love_letter
Naaalala mo yung nanood ako ng sine sa Elisa Cinema? High school ako nun at dalawa yung katabi kong maganda. Sabi ko sa iyo panahin mo yung chinitang kamukha ni Carmina Villaroel ngunit mali yata narinig mo at yung morenang kahawig ni Ara Mina ang tinamaan. Nadoble gastos ko nun sa pagbili ng chichirya. Tapos ako naman sinunod mong pinana na ang bisa ay umabot ng apat na taon. Dahil sa iyo nasubukan kong magtago sa ilalim ng bench ng canteen kasi chineck ni Sir Beloy yung mga lovers na baka naglalampungan habang naghihintay ng sundo. Buti na lang kayang sapawan ng Drakkar ang amoy ng pawis ko. Napaglakbay mo din ako ng kay layo kasi taga ibang bayan siya. Kung sabagay walang panama yun kasi pinaglakbay mo din ako ng Manila-Dagupan-Baguio-Dagupan sa iisang araw lang. Siya rin yung katelebabad ko sa analog cellphone mula boarding house sa Sampaloc hanggang makarating ako sa SM Sta. Mesa. Siya rin yung kausap ko telepono sa bahay ng mahigit isang araw (kain, ihi, ligo lang ng five minutes ang yata ang pahinga). Long distance call yun kaya huwag ka masyadong maingay baka maalala ni Ermats yun kasi umabot ng five digits yun bill. Malamang ganon din sa kanya kasi salitan kami kung tumawag. Oo siya yung mala-Chin-Chin Gutierrez ang beauty.
Dahil sa iyo ang dami kong natutunang tricks sa telephone. Sa payphone, phase-out na yung dalawang bente singkong sabay. Old school na yun. Yung piso napapaabot ko ng ilang oras na parang arcade game lang. Nadiskubre ko rin na pwedeng tawagan yung payphone. Hindi siya magriring pero kung sakto ka sa timing makakausap mo yung tumawag pagpindot mo ng “talk.” Free call at free text nung bago na ang cellphone? Updated ako dyan. 
Trinansform mo din ako na parang Adam Sandler pagdating sa pagjoke at pick-up lines. Madalas corny pero mabenta for how many years. Sari-saring jokes ang aking baon mula knock knock, use in a sentence, isda, superhero at kung anu-ano pa. PinakaClassic yung “Can I Test your IQ?” at “Do you want to see magic?” spiel ko sa lahat ng aking icebreaker repertoire. Alam kong effective ito kung may pakurot kurot at palo sa akin, hagikhik na may patakip-takip ng buong mukha at ngiti ng mga matang nagniningning. 
Hindi ako magaling kumanta pero napaharana mo ako sa cadaver lab sa Medicine Building ng UST at sa bahay nung babae sa QC. Kakuntsaba ko nun ang mga toles ko sa PSG. “Ako’y Sa Iyo at Ika’y Akin” ng I Axe ang aking kinanta at hanggang ngayon, ito lang ang kantang memorized ko. Ito rin ang lagi kong kinakanta sa videoke at mga acoustic bars. Praktisado na kumbaga at kahit papikit-pikit pa. Nakahiligan ko na rin ang makinig sa mga love songs. New Wave at Punk kasi talaga ang trip kong music e. Naging theme song ko ang “Closer You and I”, “Lost in Space” at “It Might Be You.” Di ba nung kasal ko ako din yun pumili ng mga mga kanta mula sa simbahan hanggang sa reception? Yung “Somebody” by Depeche Mode at “Minsan Lang Kitang Iibigin” ni Ariel Rivera pinarrange ko pa into acapella/chorale version. 
Natutunan ko ding magbigay ng mga bulaklak. Carnation kapag nagpapacute pa lang, red rose kapag in-love na, white rose kapag girlfriend na. Isang piraso kung ordinaryong araw lang tapos isusulat ko sa card ang “because it’s a Wednesday.” O kaya “Everybody is telling you: “Have a nice day.” Me? I am making it one. Tatlong bulaklak kung may okasyon. Isang dosena pagmay budget o di kaya Holland tulips pag medyo malaki ang kupit kay mader. Pati pag-arrange kinareer ko din noon. Bibili ako saDangwa tapos hihingiin ko yung mga kahon ng bulaklak (sa aking mga babaeng dormmates) na galing Esperanza’s, Anabel’s at Holland Tulips para magmukhang mamahalin ang regalo. May binigyan pa ako ng roses with matching card araw-araw kahit wala ako. Ilang araw ding direcho yun hanggang dumating ako sa “monthsary” namin. Salamat kay ate Imelda na naglalako sa may Dapitan gate ng UST. 
Naging style ko din yung bawasan ang regalong brownies o chocolates bago ibigay lalo na kung nanliligaw pa lang para hindi masyadong obvious na dead na dead ako sa kanya at para hindi isipin na may gayuma. Para kasing suhol ang gift kung nanliligaw ka lang. Mas “cute” kasi kung parang shinishare lang. Pinagluto mo rin ako at through the years na-enhance ko ito. Pogi points ang signature pasta recipe ko. Pinatapang mo din ako sa pagharap sa mga kapatid, magulang, lolo at lola ng iniibig ko. Ewan ko ba may magic ata ako sa mga nanay at mga lola at nakakasundo ko sila kaagad. 
Napasulat mo din ako ng mala-nobelang love letter na more than ten pages- back to back yun ha! Tatlong notebooks din ang aking naisulat na tula ng dahil sa saya at pighati. Sample? Eto yung sinulat ko dati pa isinali ko sa isang online contest:
As one walks along life’s journey, there will always be one who is said to be the one written in the stars… 
That one person who I have met along this journey is not just the one written in the stars, not just "The One", not just a part of the journey (relatively the best part), but the woman who to me is undeniably my Love and my Life… You!
800px-Two_left_hands_forming_a_heart_shape
Dahil din sa iyo kaya naging matakaw ako sa chocolates, pancit canton at kayang lumalaklak ng isang litrong Coke. Pati insomnia ko ikaw din ang dahilan. 
Huy, baka isipin mo na sinisisi kita o kaya nagcocomplain ha. Masaya lang kasing maalala ang mga bloopers at mga mushy stuff na ginawa ko noon. Spontaneous kasi. Masaya nga ako dahil sa aking mga karanasan at escapades na ipinamalas mo. Hinubog mo akong mabuti at ang dami kong natutunan sa iyo. Dahil sa iyo lalo akong naging mapagmahal. Masasabi ko nga that I have found true love at kung hindi dahil sa iyo hindi ko matatapuan si “The One.” 
O siya, sige na alam ko busy ka. Salamat sa pagbasa. Ayun o may dalawang nagpapaka-Ethan Hawke at Julie Delpy ng pelikulang Before Sunrise sa Twitter. Go, go, go, panahin mo na. Happy Valentine’s!

Nagmamahal,
SiRVis

Read the full article here.

Read my other articles at Philippine Online Chronicles here.

No comments:

Post a Comment