Uso pa ba ang mumu sa panahon ng facebook? Nagiging passé na rin ba ang ghost stories tulad ng friendster?
Modern na nga raw ngayon kaya halos lahat ng kababalaghan at nakakatakot na kwento ay hinahanapan na ng scientific explanation. Bihira na rin siguro ang sleep-over at outdoor camping kung saan ang highlight ay ang kwentuhan tungkol sa multo. Text at babad sa internet na kasi ang uso ngayon. Kung sakaling may get together naman, madalas mga gadgets, lovelife at political ek ek ang topic.
Napakayaman sa kwento tungkol sa kababalaghan ang Pinoy. Isa tayo siguro sa mga lahing maraming alam namythological creatures. Walang panama ang mga ghosts, vampires, at werewolves ng mga dayuhan sa ating mga kapre, bungisngis, mananangal, ekek, tikbalang, tiyanak, at aswang (na napagkakamalan o naipagpapalit sa ibang halimaw tulad ng wakwak, balbal, kubot, tiktik, mansusopsop, at sigbin). Specialized din ang mga masamang espiritu tulad ng multong pasatsat (kung tawagin sa Pangasinan) na siyang nakabalot daw sa banig.
Naaalala nyo pa ba yung kwento tungkol sa “White Lady sa Balete Drive?” Noong college days namin, nagtapangtapangan kami at sinubukan naming dumaan doon sakay ng Ford Laser ni Rob pauwi sa apartment nila sa QC. Kakatapos ng gimik naming sa Greenhills noon. Palibhasa puro kami lalaki at medyo nakainom na rin kaya napagtripang i-explore kung meron ngang multo doon. Walang aircon yung kotse kaya ramdam namin yung lamig ng hangin. Madilim ang daan noon at tila tinatago ng mga dahon at sanga ng mga puno ang liwanag ng buwan. Hindi madrowing ang mga mukha namin pagkadaan dun. Lahat tahimik at nagpapakiramdaman. Wala kaming nakitang white lady pero nakakakaba nga kasi minsan mapagbiro ang imahinasyon lalo na’t iniisip namin na baka masiraan yung sasakyan sa daan at magpakita nga yung mumu.
Kung tungkol sa multo ang paguusapan, sikat ang Baguio dahil sa iba’t-ibang lugar tulad ng Diplomat Hotel, PMA grounds, Teachers Camp at ang Loakan Road. May eerie effect kasi yung lugar- malamig, foggy at mula pa noong panahon ng Americano ang mga kinakatakutang buildings na nandun. Sikat din ang mga lugar na sinasabing haunted dahil sa kalumaan nito. Nandyan ang Malinta tunnel sa Corregidor, Intramuros sa Manila, Ruby Hall at Valentine Hall ng Central Philippine University sa Iloilo at ang UST Main Building kung saan ako naglagi ng apat na taon noong kolehiyo.
Sumikat din ang mga nakakatakot na pelikula at TV show noon. Kung mapanood mo uli ngayon sasabihin mo nga corny o baduy. Inaabangan at kinakatakutan ang Pinoy Thriller (with matching mala-LSS na intro: “Ano ang nasa dakong paroon, bunga ng malilikot na pagiisip, likha ng balintataw o halaw mula sa daigdig ng kababalaghan…di kayang ipaliwanag ngunit alam mong magaganap…”) at Regal Shocker. Sa pelikulang Pinoy naging sikat yung Patayin sa Sindak si Barbara, Halimaw sa Banga at Shake, Rattle and Roll (na nasobrahan na yata sa sequels). Ang mga hinding hindi ko makalimutan na pelikulang Ingles noon ay The Exorcist (kung saan umikot ang ulo ni Linda Blair), Evil Dead, Amityville at Stir of Echoes.
Dinadaan na lang kasi sa digital effects ang shows and movies ngayon pero yung mga plot ay halaw sa mga lumang kwento. Pati mga vampire stories ngayon puro patweetums na lang tulad ng Twilight movie series at Vampire Diaries. Umuso sandali si Sadaku at mga iba pang Japanese and Korean horror kaso nagfizzle out din.
Marahil demystified at trivialized na ang mga multo at mga kwento tungkol dito sa panahon ngayon. Natawa nga ako nung may binalita sa Balitang Amianan nung isang araw na may aswang sa Malasiqui, Pangasinan ayon sa mga nainterview nilang mga residente. Ngunit hindi ko maisantabi ang mga pinamahaging personal experiences ng aking mga followers and friends sa twitter at facebook.
Kwento ni Regiele: “When I was working in a call center, I used to stay in a female dormitory. There was this time when I was alone and I woke up at 3am. I was surprised to see the shattered pieces of glass mirror which were scattered all over the room. This was a big glass mirror but I never heard anything at all when it fell on the floor. The wind could not knock it down as the mirror was big and heavy. No one could have entered the room and break it because the room was locked inside. At that instant, I looked at the window and saw what seemed to be an old man at our gate. I swear he was staring at me. When I looked back again, he was gone in a split second.”
Si Mylls naman nagpost sa facebook wall ko at nagkwento tungkol sa closest encounter nya sa multo noong second year college siya. Mga alas otso ng gabi daw noon sa barangay Pogo, Calasiao, Pangasinan. Nakakita siya ng white lady na naglakad patungo sa kanya. Mukha daw madre na walang mukha. Lumulutang ang multo ngunit dinig na dinig ang yapak nito. Sa takot nabuhat nya ang mountain bike na dala nya habang mabilis na binaybay ang kawayang tulay na umuuga-uga.
Tungkol sa kapre naman ang kwento ni Becca Jane. This year lang daw ito. Hindi daw nya makakalimutan ang nangyari sa hipag nya na siyang sinaniban ng kapre. Ayaw niyang maniwala nung una pero nung actual nyang nakita ang pangyayari naniwala din siya. Nakakatakot talaga ayon sa kanya. Ang hipag niya ay may open na third eye at nakakakita ng multo.
Sabi naman ni Grace na taga barangay Pantal, Dagupan City na noong April 4, 2001, alas dos ng madaling araw nakahiga sila ng ate nya sa sala. Naalimpungatan siya at nagkaroon ng premonition na magbrobrowout. Pagkaraan ng ilang minuto, nagbrownout nga. Narinig nya na parang may taong nagbukas ng bahay nila (sarado yun kasi nilock ng mommy niya bago umalis). Pumasok yung inakala nyang tao na may maingay na footsteps at parang may kadena at takong yung sapatos. Nakakumot si Grace ngunit nakita nya ang anino na huminto sa tapat niya. Nung una akala nya nananaginip siya ngunit nagulat kasi tinanong ng ate nya kung sino yung pumasok. Hindi nila pinansin yun at pagkaraan ng kalahating oras, dumating yung mommy nila at binuksan pa ang pinto gamit ang susi.
May multo pa ba sa panahon ngayon? Oo. Bahagi na kasi ito ng ating kultura at hanggat may magkwekwento at naniniwala dito. Ang mga multong ito ay maaaring mga mahal natin sa buhay na yumao na at nanganagilangan ng dasal. Pwede ring mga sinanunang tao na siyang nagpapaalala ng history ng lugar. Ito rin ay pwedeng kathang isip o matinding imahinasyon lamang o di kaya panakot lang ng ating magulang at mga nakakatanda. Maniwala man tayo sa multo o hindi, ito ay nagpapakulay sa ating pagka-Filipino at nagpapaalala kung gaano kasarap at kahalaga ang mabuhay.
Photo courtesy of WikiPilipinas.org