Pages

Sunday, August 29, 2010

Major major celebration of National Heroes Day

“Sino-sino ang mga kilala mong bayani?”
Ito ang aking tanong sa iba’t-ibang taong nakakasalamuha ko. Ito rin ang nilagay kong status sa Facebook ko. Gusto ko kasing malaman kung kilala ng karamihan ng mga kababayan natin ang ating mga bayaning nagbuwis ng sariling buhay para sa minamahal nating bansang Pilipinas. Ito na rin ang aking paraang ipagdiwang ang Pambansang Araw ng Bayani -- ang gunitain at kilalanin ang kadakilaan nila.
Ang “generic” na kasagutan sa aking tanong ay si Dr. Jose P. Rizal. Salutatorian naman siAndres Bonifacio. Sabi ko ang daya naman puro silang dalawa na lang lagi ang sikat. May sarili na nga silang ‘araw’; Nobyembre 30 kay ‘May-pagasa’ at Disyembre 30 kay ‘Laong Laan.' Idol si Pepe kasi makulay ang “lovelife” nito at gradweyt nga naman ito ng Ateneo. Napakahusay pa nya at maihahantulad sa mga banyaganggeniuses tulad nila Einstein, Da Vinci at MacGyver. “Winner” naman si Supremo kasi simple lang siya, galing sa mahirap na pamilya at palaban pa! Pangmasa ang appeal nya. Ito rin ang dahilan kung bakit idineklara ang huling Linggo ng Agosto bilang Pambansang Araw ng mga Bayani (National Heroes Day) sa bisa ng Batas 3827 ng taong 1931. Naisip siguro ng may-akda ng batas na karapatdapat na magbigay pugay at maalala ang ibang bayani at may sariling araw na si Jose Rizal at Andres Bonifacio. Ito rin ay para mabigyan liwanag ang mga Pinoy na mayaman at mahalaga ang ating kasaysayan. Na ang mga bayani ay malaking haligi ng ating pagkaFilipino at karapatdapat tularan upang maging mabuting mamayanan. Ngayon, dahil sa bisa ng “Holiday Economics Law” ang Pambansang Araw ng mga Bayani ay ginaganap tuwing huling Lunes ng Agosto.
Sa pagsagot sa aking katanungan, ako’y nakatanggap ng sari-saring sagot. Dahil ang Pinoy ay mahilig sa katatawanan, marami rin ang sumagot ng kalokohan sa aking tanong. Naalala ko tuloy yung mga lumang “jokes” noong nasa high school pa ako. Sino ang seksing bayani? Si Techie Agbayani. Sino ang mag-amang bayani? Bayani Casimiro Sr. at Bayani Casimiro Jr. Sino ang bayani na may kapatid na ‘Bagets’? Hero Bautista. Sino ang pinakabayani sa lahat? Bayani Agbayani!
Hindi bayani ang unang Filipinang na-feature sa Playboy. Hindi bayani ang nagpauso ng mala-national anthem na song and dance hit noong 2003 na ‘Otso Otso.' Hindi rin kasama dito ang dating MMDA Chairman na tumakbo bilang bise president. Transformer siya, hindi bayani. Lalong hindi bayani ang utol ni Mayor Bistek o kaya yung first “Grand Questor” at dating kalove team ni Sandara Park. Hindi rin kasali ang tinaguriang “Fred Astaire of the Philippines” at ang kanyang anak na si “Prinsipe ng Kahilingan." Bayani lang sila sa pangalan. Ang sukatan ng pagiging bayani ay sa kanilang kakaibang ginawa para sa bayan. Hindi lang dugo’t pawis ang ibinigay ng mga ito kungdi prinsipyo at buhay.
Bakit tila hindi natin kilala ang ibang mga bayani? Alam lang natin na may walang pasok kapag National Heroes Day. Malling na naman ang gimik natin, outing sa probinsya o kaya sa Hongkong kasi long weekend ito. Bakit nga ba parang ‘Da Who’ sila sa ating kaisipan? Marahil ay tulog tayo nung itinuro ng iyong guro sa APan ang mga bayaning ito. Siguro binalewala lang natin ito at mas mainam bilangin ang wrong grammar at mannerism ni Ma’am. O kaya abala tayong parang “Matrix” na umiiwas sa ‘talsik laway’ ni Sir. Mas “memorized” natin ang mga kaganapan sa showbiz. Naglipana ba naman ang mga showbiz talk show at teleseryeng inaabangan. Mas sikat ka nga naman kapag alam mo ang latest sa “The Buzz” at sa Ruby o Rosalinda. Wala nga namang panama kila Dingdong Dantes, Piolo Pascual, Judy Ann Santos at Marian Rivera sa kasikatan ang mga “forgotten heroes”. Binaon na ba natin sila sa limot o sadyang hindi natin alam kung sino sila? Hindi na ba natin sila binibigyan ng kahalagahan kasi bahagi na sila ng nakaraan? Kilalanin natin ang ating mga pambansang bayani. Pagaralan at ipagbunyi ang kanilang katapangan at kagilagilalas na kuwento ng buhay nila.
Huwag mong sabihin hindi mo kilala si Magdalo (Hindi yung grupo ng mga sundalong mahilig sa mga hotels). Baka hindi mo alam, si Miniong (tawag sa kanya nung bata pa siya) ay isa sa mga haligi ng Katipunan at unang presidente ng ating bansa (pinakabatang presidente-29 taong gulang at ang may pinakamahabang buhay- 94 taong gulang nung namatay). Siya ang nagdeklara ng ating kalayaan noong Hunyo 12, 1898. Siya yung nasalimang pisong papel na drinowingan mo noong 90’s ng shades at nunal at para magmukhang Randy Santiago. Tama ka. Si Emilio Aguinaldo ang tinutukoy ko.
Sino ang nagsulat ng constitution para sa Unang Republika ng Pilipinas noong 1899-1901 na siya ring sinasabing “utak ng Katipunan”? Mahirap matandaan ano? Pero kung sabihin kong siya yung lumpong bayani o kaya’y tinawag na “Sublime Paralytic”, mas makikilala natin si Apolinario Mabini. Nakakalungkot na mas naalala natin siya dahil sa kanyang kapansanan kaysa sa kanyang kagalingan at kadakilaan.
Ang susunod na bayani ay ang birthday boy ngayong Agosto 30 (National Heroes Day ngayong taong 2010). Siya ay idolo ng mga journalists sapagkat siya ang founder ng Diariong Tagalog at naging editor ng La Solaridad. Kilala bilang Plaridel na siyang pen name nya, si Marcelo H. Del Pilar ay isa sa mga lider ngPropaganda Movement isang grupo ng mga bayaning manunulat na ang kanilang mga isinulat ay siyang naging inspirasyon ng Philippine Revolution.
Pambansang bayani din ang Mindanaoan na si Sultan Dipatuan Kudarat. Siya ay kinatakutan ng mga Kastila. Hindi nya pinasakop ang kanyang lugar. Alam mo yung Spoliarium? Hindi yung kanta ng Eraserheads ha kungdi yung malaking painting sa may National Museum. Si Juan Luna ang lumikha nito. Isa siyang Ilocano at ‘ka-berks’ ni Jose Rizal. Mayroon din mga babaeng bayani: si Gabriela Silang ang unang babaeng nag-aklas laban sa mga Kastila at si Melchora Aquino o Tandang Sora, ang ina ng KKK at bayani na nasa ‘singkong duling’. Isama na rin natin si Gregoria de Jesus ang ginang ng Supremong Andres Bonifacio na nagtatatag ng tsapter ng kababaihan ng Katipunan.
Kamakailan, lumabas ang pangalan ni Tarik Soliman.  Siya daw ang batang-batang Pilipino na taga-Macabebe, Pampanga, na namatay sa pakikipaglaban sa mga Kastila sa Battle of Bangkusay noong 1571.  May mga talang nagsasabi na siya ng kaunaunahang martir ng paghihimagsik laban sa dayuhan.
Marami pang ibang bayani. Kasama dito ang mga namatay ng hindi man lang nabigyan ng pagpugay o kaya ay nakilala. Magbasa tayo ng libro ng kasaysayan, magsearch sa WikiPilipinas o Filipiniana.net at palawigin ang ating kaalaman at pagmamahal sa Inang Bayan. Bigyan mo kasi ng pansin ang mga pangalan ng mga kalye at bayan. Kadalasan sa isang bayani ipinapangalan ang mga yan. Tingnan mo ang pera mo bago gastusin.
Nandyan ang mga mukha ng mga bayani. Nawa’y ang Pambansang Araw ng mga Bayani ay magsilbingpaalaala sa mga ginawa ng mga bayani ng Pilipinas pati na rin upang hikayatin ang mga nakababatang henerasyon upang tularan ang karakter ng mga taong ipinaglaban ang bayan. Ang selebrasyon na ito ay bahagi rin ng pagdiriwang ng Cry of PugadlawinEnjoyin natin ang holiday! Ipagdiwang natin ang Pambansang Araw ng mga Bayani ng “major major” (bonggang bongga) sapagkat ito ay narararapat para sa ating mga bayani.

No comments:

Post a Comment